Oct 30 2008

Helloween

Tag: Mantaodarkmau @ 7:25 pm

Parang chorus ng kanta ang todos los santos, kahit paulit ulit nang ginagawa, ay hindi pa rin nakakasawa. Sabi ng iba mas exciting pa daw ang Halloween at Undas kaysa Pasko at Bagong Taon. Ewan ko ba kung bakit exciting mag street party sa loob ng sementeryo at mag trick or treat o di kaya’s magcostume party.

Uso din ang palabas na nakakasindak at nakakatakot sa sine, sa tv at maging sa radyo. Hyper ata ang Pinoy pagdating sa ghost stories. Kumpleto tayo ng ghosts castings from the voters, down to the projects of the ghostly cabinet members. Hindi rin ako nagtataka kung bakit uso yung one liner na joke ng mga tao tungkol sa Pagsali ng Halloween party ng walang costume.

P1: Dude!!! WALA PA AKONG COSTUME SA PARTY MAMAYA!!!
P2: Eh ano ba balak mo maging?
P1: Gusto ko Pare yung nakakatakot, YUNG ACID!!! YUNG Nakakasindak!!!
P2: Pre, kung yun lang ang gusto mo, Wag ka na magcostume, Pumunta ka na lang ng hindi ka nagtoothbrush ng two days… ACID YUN AT NAKAKASINDAK!
P1: YABANG MOW NAMAN…

Malakas din ang negosyo ng bulaklak, kandila, baraha, posporo, grass cutting services, painting services, at siempre alak at yosi. Ilang beses na nga bang pinagbabawal ang alkohol sa loob ng sementeryo? Pero bakit madami pa rin ang lango sa alkohol? Dont ask me… I dont know the answer. Pero kung si Homer Simpson ang tatanungin tungkol sa alkohol iisa lang isasagot niya…

“ALCOHOL… THE ROOT and THE SOLUTION to ALL PROBLEMS” Panalo na opinion.

Naalala ko dati mga early 90’s pa, ang Undas eh masyado pang PamFamily Affair. Para siyang emotional relfection at pag aalala tungkol sa mga namatay nating kamag anak, kaibigan, kaaway, ex boypren, ex gelpren, ex men, at ex women. Dati ginagawa ito dahil sa religious purposes, ngayon ginagawa ito for religious purposes at SOCIAL ACTIVITY.

At para mas maging in tune pa tayo sa buong mundo, gumaya din tayo sa pagcelebrate ng Paganong Ritual ng Halloween. OO PAGANO, Dati kasi hindi ito accepted ng Simbahan. Para fair base ito sa Katolikong Paniniwala . Baka kasi magreact ang mga non christian friends ko. Pero hindi ko na ididiscuss kung ano yung halloween, sayang naman ang purpose ng Wiki, at tsaka hindi ako ganon ka reliable source, madalas akong sugar high at over fatigue.

Hmm, speaking of over Fatigue, nakakarinig na ba kayo ng mga kwentong multo? At yung mga tipong restless souls na hindi pa makacross over dahil hindi pa sila binabayaran ng mga politikong bumili ng kanilang boto? Kung ghost stories lang, marami rami na rin akong narinig na versions, iba iba ang style, pero pare pareho ang ending. Ayaw magpatulog sa gabi.

Naalala ko minsan kaming natulog ng barkada ko sa loob ng tent sa LOOB NG BAHAY dahil lamang sa ghost story. Nagpunta kasi kami non sa Bahay ng lola ng kaibigan ko na kamamatay lang. Luma na yung bahay, tipong panahon pa ng hapon, walang nakatira, at mejo maagiw na malungkot. Perfect for those who wants to experience the ultimate chilling experience. Pero nung nandun kami hindi namin yun naiisip, masaya kaming nagiinuman, at nagkukwentohan. Siguro mga alas onse na yun, nang biglang narinig namin na tumutunog ang typewriter sa kwarto ni dead Lola. Yung mga tawa namin biglang, naging isang tahimik na pagmamasid.

Nagkatinginan kami, walang umimik at walang bumanggit tungkol sa narinig na tunog. Pero nung may nagsabing jijingle daw sya sa silong, lahat tumayo para sumama. Walang gustong maiwan sa loob ng bahay. Malalaki ang mga barkada, mga double body at pwedeng ipang anchor sa barko, pero nung panahon na yun nagmistula silang paper clip na bendable.

At nung matutulog na kami, bandang ala una ng umaga, walang gustong matulog sa kwarto dahil tatlong tao lang ang kasya don, pero dahil natural ang pagiging creative ng mga barkada ko, pilit naming itinayo ang Tent na dinala namin dahil may balak kami magcamping the next day. NUng maitayo namin ang tent pilit pinagkasya sa loob ang anim na tao sa tent na para lamang sa LIMA.

AT kahit sobrang init sa loob ng tent walang gustong magbukas nung mini flaps nito para makapasok ang hangin. Lalo na nung narinig namin ulit ang typewriter na tumunog. Yun ang isa sa mga pinaka funny at most real experience ko sa ghost na may kasama ako. Parang naalala ko ang Guapings sa ganon na scenario.

Pero sa ngayon, ang tingin ko sa Undas at halloween ay isang pagbisita sa sementeryo upang magusap usap ang mga buhay. Its not really Halloween now, its more of a HELLOWEEN.


Oct 21 2008

Jeepney

Tag: Chicken, Mantaodarkmau @ 12:04 am

Fanatic ako ng jeepney, yun lang kasi ang afford ko. Katulad ng karamihan may mga experience din ako sa jeepney, madalas funny ang mga kwento sa loob ng jeepney. Minsan nga nakakakita ka pa ng live entertainment sa loob ng jeep, like mga nag aaway na magsiyota, mga hustler na mga Judas na ayaw magbayad, mga bata na ayaw magpakandong, mga driver na masungit, mga konduktor na manyak, at kung sino sinong weird na puedeng makasakay sa jeep.

Dati noong bata ako akala ko ang jeep ay mode of transportation lang, later in life(like kanina lang) narealize ko na hindi pala. Ang jeep pala ay isang reflection ng kung ano ang ating lipunan, ang weird pero yun ang realization ko. Hindi mo kasi puede piliin kung sino ang makakasakay mo sa jeep, kahit na pwede kang mamili ng jeep, hindi mo naman basta puedeng piliin kung sino makakasama mo sa buong biyahe.

Nakaranas ka na ba na sumakay sa jeep na walang taong gusto umusod para makaupo ang bagong sakay? Huwag mong sabihing hindi, dahil tatawagin kitang… pacute.(o di kaya di ka pa nakakapag jeep sa buong buhay mo, may mga kilala akong ganon). Anyway, nakakabadtrip yung ganon na mga tao, parang lipunan natin, madaming APATHETIC sa mga bagay bagay, ayaw matinag sa mga issue, walang pakialam sa mga dumadating na issue, basta secured sila at kumportable sa kinalalagyan wala na silang pakialam. At pag sinabihan mo naman, tyak susunod don ang mahabang diskusyon ng mga walang katapusang bakit at mga walang katapusang rason. Madaming frustrated lawyers sa jeep (Sure ako dito, minsan ako din ganon), kanya kanyang rason sa mga bagay tapos sa huli wala rin namang pinupuntahan ang argument. PERO EXCLUDED DITO YUNG MGA SEXUAL HARASSMENTS AT SNATCHERS AT JUDAS(not pay).

Naalala mo pa ba ang pamasahe nung una kang makasakay sa jeep? Ako oo, P1 ang bayad ko. Ngayon ang presyong yun ay sa alaala ko na lang babalikan, and take note MALAKING PISO PA YUN HA, at may Octagon pa na Dalawang piso, at may Mukha pa ni LAPU LAPU sa one centavo. Ngayon, collectors item na lang ang mga yun, at kung susubukan mong gamitin, mumurahin ka ni manong driver. Habang naghihirap daw ang buhay, lalong tumataas ang pamasahe, kaya habang bumabagsak ang ekonomiya, lalong nararamdaman yun ng ating mga bulsa.

Pero siempre hindi naman natatapos ang byahe ng ating buhay, kaya’t habang wala pang naiisip ang gobyerno na mas maayos na sistema ng public transport, malamang wala rin muna tayong mararamdamang pagbabago sa kung paano natin babasahin ang mga kwentong jeepney sa ating pang araw araw na buhay.*

darkmau

MALAYA!

*taken from iskrambol ni Mau blogpage


Oct 02 2008

Pangalan

Tag: Bola-Boladarkmau @ 4:22 pm

Lahat ng bagay ay may tawag at halos lahat ng bagay at tao ay may pangalan. Importante ito upang may mailagay na pagkakakilanlan sa lipunan. Pero hindi ang tawag o ang pangalan ang bumubuo sa pagkatao o pagiging isang indibidwal ng isang tao. Walang kinalaman ang ganda o ang haba ng pangalan sa kaniyaniyang estado o pagkatao ng isang mamayan sa lipunan. Pero sa hindi maiiwasang pagkakataon, naikakahon ang isang tao dahil lamang sa pagkakaron ng pangalan.

At hindi lamang sa pagkakaroon ng pangalan natatapos ang diskusyon tungkol sa pagbuo ng puzzle tungkol sa tao. Lalo sa isang bansa na tulad ng Pinas, uso ang ang nicknames. Sa Pinas ka lang makakarinig ng nicknames o palayaw na masyadong malayo sa totoong pangalan. Ang isa sa mga sikat na biktima nito ay si Jose Rizal. Sa maraming naisulat na libro ang tawag sa tanyag na bayani ay Pepe gayon naman na ng totoo naman nyang panglan ay Jose. Panahon pa lang ng kastila meron nang sadyang creativity ang mga ninuno natin sa pagpapalayaw ng anak. Ang Pedro ay nagiging Dodong, ang Maria ay nagiging Inday, ang Francis ay nagiging Kiko, at ang Joseph at nagiging Erap! Kung san man nanggaling ang mga palayaw na ito, ay si Lapu-lapu lamang po ang may alam.

Pero hindi pa nagtatapos sa far out na palayaw nagtatapos ang Naming Blues nating mga Pilipino. Kung libangan niyo ang makining ng prime time radio programs sa FM, malamang nakarinig na kayo ng mga divisible by two na mga pangalan, lalo na sa pagpapabati at parerequest ng kanta.  Tulad nang ganitong example, “hi Deejay, I would like to greet my friends, Tomtom, Dindin, LingLing, Japjap, REnren, Gaga, Jojo, Liklik, Bembem, Tata and most especially to TinTin, greetings coming from Macmac. “ Kung ikaw ang Dee Jay sa programang ito malamang lahat ng narinig mong names magreverb sa utak mo.  Kaya sa tingin ko, pagdating sa  naming games, walang tatalo sa ating mga pinoy.

Kahit sa mga pamagat ng pelikula papatok pa rin tayo sa ating pagiging henyo. Sino nga ba ang makakalimot sa mga Titulo na , “Patikim ng Pinya”, “Kagat”, “Kuracha ang babaeng walang pahinga”, “Madam X”, “Hamog sa magdamag”, “Dama de Noche”, at siempre “Okay ka fairy ko”.  At marami pang mga naimbentong titulo at mga kanta na hindi ko alam kung saan napulot at kung paano nagawa, ang alam ko lang, basta pop culture mabilis ang utak ng pinoy sa mga ganyan.  Isipin mo na lang nagawan pa natin ng slang ang mga normal na pangalan, tulad ng PARAK, SYOTA, ERPATS, ERMATS, HAYBOLS, Wheels, YOSI, at Siempre BREAD!

Creative, pero minsan di magandang pakinggan ang mga ganitong salita. Peo ang isa pang madugong nagagawa ng pangalan ay ang maikahon ang isang tao sa kaniyang Pangalan. May mga pangalan tulad ng Anghel, Hesus, Maria, Justice, Love, at Marikit na nakukulong sa kanilang mga LABEL o pangalan. Madalas ang mga may pangalan na Angel or Anghel ay taliwas sa kanilang bansag. At napakahirap murahin ng pangalang Hesus lalo na kung naging kamag anak o anak mo sya at sa di inaasahang pagkakataon eh saksakan eto ng pagiging tarantado. At hindi lahat ng Maria ay mahinhin, at huwag magpapaloko sa mga taong may pangalan na Justice o Blessing, kadalasan masakit sila sa ulo. At huwag masyadong madala sa internet lalo na kung ang nick ng kachat mo ay Marikit.

Sa pagevolve ng tao, nag eevolve din ang naming schemes ng ating mga magulang. Ang mga gender related names ay naging universal na for both male and female. Huwag magtaka kung ang name ng girlfriend mo ay George, Alex o di kaya Joey. At huwag magtaka kung ang boyfriend mo ay may name na Maria (Jose Maria), Fermin, or Nicole. Weird ang ganitong set up pero dahil sa pauso ng mga western nation eh madali na itong kumakalat. Parang epedemic na gawa ng ebola virus.

At siempre sino ang makakalimot sa mga UNIQUE naming schemes ng pinoy lalo na sa pagdagdag ng mga letters sa mgs usual names. Hindi pa ba kayo nasanay sa mga simpleng pangalan na katulad ng Jun, Rene, Roger, at Len na bigla na lang nag eevole into JHUN, RHENE, RHOGER, at LHEN. Isama mo na rin si Jhayson, at si Ahna. At sa pagdagdag isang letter mas madaling tandaan ang pangalan ng mga taong ito.

P1: Pare may kakilala pala akong fixer sa LTO para sa lisensya.

P2: Oh, talaga pare? Anong pangalan ng mahanap ko.

P1: Ahmm, sandali, iisipin ko muna , pero ang alam ko may H yung pangalan nya eh.

P2: H? Baka Hector?

P1: Hindi eh.

P2: Hernan?

P1: Hindi eh…(pause then lalaki ang mata) Ah alam ko na pare… Roger! Yun ang pangalan nya!

P2: ASAN ANG H DON???

P1: To naman oo. siemre R-H-O-G-E-R! RHOGER! parang JHUN!

Marami pang hindi naiimbentong pangalan, marami pang tawag ang uusbong mula sa pagdevelop ng technology. Hindi ako magtataka kung isang araw ay may mga bata na ang pangalan ay Plasma at Bravia. At sa sobrang pagkalat ng epedemic ng pagiging nature lover ng mga tao, may mga bata na magkakaroon ng pangalan na Cholorophyll, o di kaya Green House. At gaya ng madalas ko sinasabi, pag ako nagkaanak gusto ko din unique ang pangalan nito, kaya malamang tawagin ko syang Antibiotic, o di kaya’y Imodium.

Sa dami ng pangalan na uusbong, marami rin ang magbabago. Hindi lahat ng tao ay magiging masaya kung ano ang tawag sa kanila, at hindi lahat ng may magandang pangalan ay may magandang kalooban. Mas mapalad yung mga hindi kilala sa pangalan ngunit kilala bilang mabubuting mamayan. Dahil hindi naman lahat ng tawag o pangalan ay bumubuo ng isang pagkatao. Sa pangalan maaring mayaman ka, pero sa pagkatao malamang kulangin ka.

darkmau

MALAYA!


Sep 24 2008

Getting out of the BOX (PROMDI 1.0)

Tag: Specialdarkmau @ 10:00 am

Gaya ng ipinangako ko sa last entry, itutuloy ko na yung totoong kwentong promdi. October 2005 nung sa wakas nasipa na nga ako ng aking magulang palabas ng Davao, at hindi pa sila nakuntento, palabas din ng Pinas. Sa Disney’s Encyclopedia ang gusto ko lang puntahan is ang DIsneyland sa Florida, sa mga pictures nila dun 70’s na 70’s ang dating and until now ineexpect ko pa din na bell bottoms ang japorms ng tao dun. Pero tama na ang kwento tungkol ko sa Disney’s, masyado na malaki ang sisisngilin ko sa kanilang advertisement.

Sa buong buhay ko di ako bumibyahe sa eroplanong mag-isa, palagi akong may kasama. Pero ang unang pagkakataon ko na makasakay ng eroplanong mag-isa ay parang scene sa movie. Dahil yun din ang kauna unahan na pagkakataon na ako ay pupunta sa abroad.

Isang malaking HALO-HALO ang pag aabroad, may lungkot, may saya, may excitement, may takot, may masamang tyan, may gutom, may natutulala, at ang iba ay nawawala sa sarili. Hindi madaling mag abroad, dahil hindi madali ang mag proseso ng mga kailangan upang makalabas ng bansa. Palaging talo ka sa bureaucracy, sa pagkuha pa lang ng passport, katakot takot na masusungit na tao na ang makikilala mo. MAY SUNGIT NA CORNY, MAY SUNGIT NA NAGPIPILIT, MAY SUNGIT NA PANG FAMAS, at may SUNGIT NA MALA BELLA FLORES ang dating. Bago mo mahawakan ang passport mo sa ganung tao, eh basa na ang pantalon mo dahil sa tensed na feeling.

Kung tatanungin ako, ano nga ba ang nagtulak sa akin magabroad? Kung sa paulit ulit kong sinasabi na wala akong balak mag abroad? Maraming sagot, mahaba ang kwento, hindi kasya ang buong Siopao upang ilahad ang mga rason ko….JOKE LANG!!! Actually, kinailangan ko magabroad para iprove sa pamangkin ko na totoo si Santa Claus, at gusto ko rin icounter check ang theory na london bridge is falling down, at siempre gusto ko rin makakita ng mga high tech na gamit, tulad ng VENDO MACHINE NG CONDOM, MGA MALALAKING TOY SHOPS, at gusto ko rin hanapin yung pussy cat na bumisita sa Queen.

Baliw noh? Pero kasali yun sa mga primary reasons ko, pero yung mga primary reasons, hindi ko na babangitin dito, sasayangin ko lang ang oras niyo. Ipapadala ko na lang yun sa Maalala mo kaya, nakita ko pa sa tv ang storya ko.

Sa unang lipad ng airplane papuntang UK, lumapag muna ito sa Singapore. YAHOO NAKATAPAK NA AKO NG SINGAPORE, pero hanggang airport lang ako. Sa paglapag ng eroplano sa Singapore, doon ako unang nakaranas ng matinding lungkot, ang lumapag sa isang lugar na wala kang kilala, at ni hindi mo makita ang kahit anong bagay na familiar sa yo. Lahat ng bagay bago. Kahit na anong galing at ganda ng lugar, minsan tatalunin ka ng lungkot. Wala pa ako sa aking Destinasyon ganun na ang aking naramdaman, naisip nyo ba kung ano ang nangyari sa akin nang umabot na ako ng London?

Sa paglapag ng eroplano sa HEATHROW(wow ganda ng spelling ng airport), huminga na ako ng malalim. Kumbaga sa mga sundalo, alam ko na tuloy na ang gera. Buti na lang di ako nag boyscout, at least alam kong hindi ako nakashort at wala akong baon na kalabaw. Sa pagpasok ko sa immigration, nashock na ako agad sa aking nakita, malayo ang itsura ng London sa mga lugar na napuntahan ko, tulad ng Davao, Bohol, Manila or Samal (for obvious reasons).

Malamig ang aircon ng airport, sobrang lamig, kahit na may tatlo akong layer ng damit giniginaw pa rin ako, naisip ko tuloy, dati sa opisina namin konting lamig lang para na kaming nagiging ice drop sa ginaw. Pero sa lugar na to airport pa lang, balewala na sa tao yung lamig. Pagdating ko sa immigration, nagkalat na ako agad.

Immigration officer (IO): Hi how are ya? May I see your documents please?

Darkmau (DM): Good morning sir, Im alright thank you, Here’s my passport sir.

IO: Do you have your school documents?

DM: Yes sir, I have my school documents, here it is sir.

IO: Oh there it is, and please stop calling me sir.

DM: (SUMAGI TULOY SA ISIPAN KO KUNG BADING BA SYA) Oh Im sorry sir.  I just got used to it.

IO: Oh there you go again.

Nakulitan yung immigration officer sa aking will power na mag sir. Nasanay lang siguro ako na ang mga nakakausap ko sa atin eh mga councilors at mayors na gusto palagi sinisir sila. Matapos akong lumabas ng immigration, dumiretso ako sa xray field para ichek ang aking lungs. Sa panahon na yun uso pa ang SARS at bird flu. Matapos na ang xray at cleared na ako sa lahat ng Immigration Protocols, I was off to go.

Sa aking paglabas, tuloy-tuloy ako sa pagsunod ng mga exit signs, hanggang sa umabot ako sa parts na nakikita ko na yung mga taong nagaantay ng kanilang mga susunduin. Kahit na medyo dehydrated na ako sa haba ng byahe, antok na ako at gusto ko kumain, pero dahil last stage na isa lang ang kailangan kong hanapin. Si erms!

Madali lang hanapin si erms, lalo na sa lugar na yun, karamihan ng mga nagaabang sa kanilang susunduin ay blondes at red heads. Pero dahil mabilis ang mata ko, nakita ko agad si erms. Nakatayo na ako sa harap ni erms ng mga 45 seconds pero di pa rin nya ako napapansin. Tapos biglang may late reaction sa kanya, sabay yakap sa akin, tapos sabay atras at kinunan nya ako ng picture. Sa picture na yun, mukha akong wanted, at mukha akong addict. At sa paglabas namin ng Airport dun ko lang narealize, na ang lamig na nafeel ko ay hindi centralized aircon. NATURAL PALA YUN NA LAMIG.

Sa ating buhay, hindi lahat ng ineexpect natin darating. At kadalasan yung mga bagay na darating sa atin eh yung mga bagay na hindi natin pinlano.  To encapsulate the whole idea, Im going to quote my Public Speaking Teacher, ” I DIDNT ASK FOR IT, IT CAME”. Ganun din kadalasan ang nangyayari sa atin.

darkmau

MALAYA!


Sep 21 2008

Promdi

Tag: Specialdarkmau @ 11:26 pm

Im a pure promdi, most of my life nasa Davao lang ako. Pero hindi ko sinasabi na probinsya ang Davao ha, take note its a big city, much bigger than New York in terms of land area and city coverage. Pero dahil nga sa ang Davao ay may laid back na lifestyle hindi sya ganun ka metro like Manila or Cebu. So most of my younger years(ages ago) were spent with bayabas, and hilaw na mangga sawsaw sa suka at bagoong. And yes I loved that life. Hindi ako sanay sa mga huge skyscrapers or sobrang daming perks of having that busy metro life, sanay ako sa simpleng buhay, na puede mong lakarin ang destinations mo from point A to point B. Addict ako sa walking, past time ko dati  ang magmartsa sa daan at magdala ng plakard, ilang beses na rin ako nagwalkout sa klase at mga student forums, at sanay ako sa frontline teargas experience. Hobby ko din ang mangulit sa mga tao about going on trekking but actually showing up late dahil galing sa bahay nagwalking na ako, dahil madalas sira ang oto ko(na pamana sa akin ni erps).

Hindi ako sanay sa mga formal at posh dining, para sa akin, sa movie lang uso ang fork and knife, at ang chopsticks at inialalagay lang as part of the hairstyle. Wala akong hilig sa mga pagkain na hindi ko mabasa, tulad ng lasagne, spaghetti at kung ano ano pang Italian dishes na sobrang hirap ipronounce. Wala akong hilig sa formal wear, si James Bond lang ang kilala ko na nakikipag gera na naka Tuxedo. At weird para sa akin ang makipag usap about technology and siempre about cars. Wala rin akong hilig makipag rubbing elbows sa mga hollywood’s latest, palagi akong behind sa emmy’s and oscars at nung 2005 ko lang nalaman na ang BAFTA ay awards din for movie stars at hindi sya kasapi ng NATO na gaya ng EU at ASEAN.

Dati akala ko ang Davao lang ang buong mundo, para akong si Jim Carrey sa Truman Show, at sa post cards ko lang nakikita ang Luneta at ang Manila Bay. Akala ko ang Queen ay Banda lang yun pala existing sya dito sa UK. At dati akala ko din na mga patay na tao lang nasa pera yun pala mali ako. Grade 3 na ako nung una akong makapanood ng Colored TV, galing sa barko, pati yung VHS na parang si R2D2 ang mukha. Masaya na ako sa mighty  kid at OTTO shoes, hindi ko kilala ang brand na Hugo Boss at GAP. Akala ko yung Hugo Boss matandang kuba sa HUNCHBACK of NOTREDAME. AT ang Notre Dame sa buong akala ko ay isa lang school sa Mindanao.

Promdi ako, pero walang masama don, hindi kasalanan ang maging inosente, walang mali sa ganun. Ang buong mundo akala ko sa encyclopedia lang mabababasa. Natapos ko ang buong volumes ng Disney’s WOnderful World of Knowlegde na Encyclopedia nung ako ay six years old, lahat ng 20 volumes, pati yung 20th volume na puro index. Pero ang pinakapaborito ko dun ay yung Volume 14, collection sya ng mga fairy tales at short stories. Dun ko nakilala sina Hansel at Gretel, Yung Nutcracker, si Pinocchio at pati si Ali Baba.

Akala ko noon yun na ang kabuuan ng buhay, natapos ko ang elementary na hindi ako gumagamit ng typewriter or computer. Highschool ko na nalaman na existing ang computer, dati kasi akala ko gamit lang sya para sa laro, pag sinabing computer puro si MARIO AT LUIGI ang naiimagine ko pati na rin yung up down up down AB AB AB, para maka hundred life sa CONTRA. UNa ko nasulat ang aking mga articles sa typewriter nung 4th year highschool ako, pero katulad ngayon kalokohan lang din ang laman ng aking news bits at mga editorials. Tsamba lang ang pagkakasali ko sa school paper.

College na ako nung malaman ko ang ibig sabihin ng TIMES NEW ROMAN font 12 double spaced. At dun ko na kinailangan matuto humawak ng mouse. Although dati nung elementary kami may alaga kaming mouse sa loob ng classroom, and later ko na narealize na may phobia pala ako dun, in short late ang progression ng aking fears.

Nang matapos ako ng college, dun ko na nakita ang iba pang mundo, mula sa social aspect ng buhay aktibista nahanay ako sa mga NGO na tumutulong sa kapakanan ng mga tao. Hindi ko hinangad ang corporate world, dahil sa mga rason, na hindi ako marunong magbilang, at wala akong charisma to be in a corporate world. At dahil bobo ako sa mga job interviews. Katulad ng ganitong scenario.

Dark Mau(DM): Good morning sir!

Interviewing Manager(IM): Good morning, so as I could see in your resume you are a masscom graduate, why do you think we need someone like you in our team?

DM: Ahm, sir I think I am capable of learning things about the business, and I believe I can be trained and willing to go through your business operations. Plus the fact that I have taken up basic marketing as part of our curriculum during college.

IM: Alright, as you can see, we are in motorcycle industry, and the competition here in Davao is very stiff, do you think you can handle the pressure of the job?

DM: Yes sir, the pressure is part of any job, and I guess its just a matter of sorting yourself out.

IM: Good, but as you can see we required someone with a driver’s license with 1 and 2 restrictions, do you have that?

DM: Yes sir I do have that.

IM: DO you know how to drive a motorcycle?

DM: NO SIR!

IM: But we have clearly said in the job description, that we require someone who knows how to drive a motorcycle, why then are you applying for this job?

DM: AHMM(tulo pawis, pigil luha) FOr experience sir!

IM: AHhh… sorry go back when you know how to drive a motorcyle.

DM: (TULALA)

SO nakita niyo na kung gaano ako kahenyo sa job interview. Pero marami din ako naaplyan na trabaho, nakapasok din naman ako pero gaya ng sinasabi nila, lahat ng tao may calling, ang naging calling ko eh yung magsilbi sa tao. Nainlove ako sa NGO, kaya naging documenter ako. Tanong ano nga ba ang isang DOCUMENTER? Sagot: Ang Documenter ay hindi Computer, isa itong profession ng tao na may kinalaman sa pag record, at pag process ng mga activities. Technical ang trabaho na ito, metikuloso sa grammar at kailangan innovative at progressive ang style. Bawal ang mga creative writers sa ganitong trabaho lalo na sa mga annual reports na ipapasa sa mga funding agencies.

Dahilan na may talent nga ako sa pagiging natural na bobo, madalas kong inuulit ang reports ko upang maging technical paper, pero dahil sa kailangan ko maging UPDATED sa mga bagong style ng documentation pinakilala ko sa mga boss ko ang creative documentation. So natuto silang mag photo documentation at gumamit ng power points for presentations. Naging less ang workload ko sa system na to, except with processing ng minutes of the meeting.

Madalas ako mag area at mas madalas ako maligaw, ilang beses na rin akong naulanan at ilang beses na rin akong muntik malunod. Pero sa documenter isa lang ang motto, mamatay ka na, wag lang masira ang digicam at recorder ng opisina. Natuto akong sumakay sa skylab at makipag habulan sa aso, nagkaroon ako ng maraming fans na bata, dahil akala nila Taiwanese ako,dahil sa aking mga weird na hairstyles. Masaya ang trabaho, draining lang pag ipoprocess na ang mg reports. Hindi uso ang ligo at uwi sa bahay sa ganung trabaho, lahat yun is for the love of the job and not only the money.

Hindi ko binalak magabroad, wala yun sa aking pangarap, pero gaya nga ng sinasabi ng karamihan, yung mga bagay na hindi mo inaasahan yun pa ang dumadating sayo. Pero dahil masayado na mahaba ang entry na to, ibibitin ko muna kayo sa kung ano ang mga experience ko in moving out of my comfort zone. For now eto muna, isang mahabang introduction sa susunod na entry.

 

darkmau

MALAYA


Sep 18 2008

Allowance

Tag: Bola-Boladarkmau @ 6:19 pm

Grade two ako nung una ko maintindihan ang concept ng pagkakaroon ng allowance. Hindi mayaman ang mga magulang ko, pero hindi naman ako lumaki na naghangad ng sobra sa aking kailangan.  Ang dalawang piso nung panahon ko ay isa nang magandang balita, hindi dahil kaya ko na bumili ng bahay at lupa, dahil ang dalawang piso ay paper bill pa. So kung di mo yun naabutan malamang mas matanda ako sa iyo.

Wala ako masyadong nabibili sa dalawang piso non, kasi hindi naman ako mahilig sa kendi o mga chichirya. SO madalas kung iniipon ang aking allowance at ginagamit ko ito tuwing biyernes. Natutuhan ko non ang concept ng pag iipon. Nakakabili ako ng mga laruang plastic at mga mumurahing comics. Malaki ang sampung piso non, pag nakabili ka nung bubble gum na worth P3.50 ibig sabihin non may pera ka talaga. Ang bubblegum na sinasabi ko is yung bazooka na nakakahon at melon dew ang flavor, maliliit ang butil niya pero masarap talaga ang lasa nya(well atleast for me).

May times naman na kapag hindi ko nagagalaw ang pera ko, nakakapagpabili ako ng Kiamoy sa Tatay ko pag weekend. Tanong ano daw ang kiamoy? Ang kiamoy ay dried plum na galing si China, eto ay may kakaibang tamis-alat-asim na lasa. Madalas itong kulay pula, ngunit marami itong variety. Kamag anak to ni Dikiam na mukhang prunes ngunit mas may matapang na lasa. At ang kiamoy ay hindi CHAMPOY!

Matagal ang increase ng aking allowance, palaging sapat lang binibigay sa akin ng aking finaciers (nanay at tatay ko). Akala ko dati kulang yun at kailangan ko pa ng mas malaki, pero ngayon, naisip ko, hindi ko naman pala talaga kailangan ng malaking pera nung mga panahon na yun, tablado sa pamasahe lang okay na. Hassle lang talaga yang mga nagtitinda sa labas ng school, malaking pahamak sa mura kong budget. Noon pa pala ay malakas na ang hatak ng direct marketing sa mga IMPULSIVE BUYERS.

Take note, galing ako sa public school mula elementary hanggang highschool, pero ang dami nung mga nagtitinda sa labas ng school namin ay katumbas ng isang maliit na tyangge na may capacity na 40 stalls. Kung naghahanap ka ng mg exotic stuffs na hindi mo mabili sa mga malls at palengke, malamang tinitinda yun sa labas ng mga schools. At walang biro pati drugs ay kasali sa mga inilalako, sana naman ngayon ay hindi na to nangyayari.

Pagdating ko ng college nag increas ang baon ko from P2 nung  grade two hanggang P50. Imagine mo ang increase P48 which is cool diba? Pero hindi, after 8 years ang inflation rate ay sobrang laki na din, mula nung naupo si Cory hanggang kay Erap, ang laki na ng difference ng presyo sa mga bagay. Pati yung usual cost ng yellow paper at ballpen ay mafefeel na ang pag increase. Pero di ko to iniinda, natural ang pagiging resourceful ko, hindi uso sa akin ang notebook nung college, puro scratch paper lang dala ko pag pumapasok, at dun ko lang sinusulat ang lahat ng mga lectures. YUN DIN ANG DAHILAN KUNG BAKIT KO BINAGSAK ANG ALGEBRA! Kaya nung second sem nung first year college, natuto na akong mas careful sa aking mga actions, pag alam kong tatagilid ako sa aking mga minors, nagpapakita na ako ng notebook during lectures. At unlike sa mga mani na subjects, hindi ko na pinapaabot sa kamatayan ang aking absences.

Habang tumaas yung Inflation rate sa Pinas, mas lalo akong natutong maging resourceful, talo ako sa pamasahe sa P50 na baon, papatayin ka pa sa mga group work contributions, at siyempre budget ng bisyo, P1.25 ang yosi nong college ako. At kasali yun sa aking usual gastos. Sa aking baon alam kong dehado ako upang magkaron ng syota, so madalas akong bokya pagdating sa mga ganitong aspects.  Di katulad ng mga kaklase ko, hindi ako maporma at wala akong wheels, maging yung bike ko kinakalawang pa. Pero siempre sabi nga nila, lahat daw ng bagay pag ginusto may paraan.

Hindi naman lahat nadadaan sa perahan eh, minsan kailangan ng strategy, pag nabitin ang strategy, daanin sa dasal. At pag ang langit medyo dineny ka, matutong magretreat. Hindi ko ugaling makisabay sa uso, at makipag sosyalan, hindi ako gumagasta pag alam kong mabibitin ako.  Habang lahat ng kaklase ko ay may cable tv, ang sa aming bahay ay alambre lang, at antenna lang ang katapat, kung sa logic pa ni erps, parehong tv lang yan, yun kanila spokening dollars lang. So wag na kayo magtaka kung saan ko nakuha ang aking kakuriputan. Ganun talaga ang buhay eh, pag may gusto ka dapat daw pagtrabahuhan.

Lahat ng bagay na may halaga dapat pagsikapan. Third year college ako nung nagsikap ako na makapaghanap ng mga additional income at mga raket upang matustusan ang aking mga needs. Nasa isip lang salitang gipit, at nasa ating kamay ang pag ipit. Ngayon kung babalikan ko kung ano ang meron nung bata pa ako, iisa lang ang gusto ko, yung paper bill na P2 at yung mga alaala na magsasabi sa akin na dahil dun malayo din ang napuntahan ko.

Ang halaga ng isang bagay ay hindi lang kanyang numero, ngunit ang mga aral na iyong dadalhin hanggang sa ikaw ay tumanda. HIndi ito katulad ng pera na kapag binili mo na ng kendi o pinambayad mo na ng pamasahe ah mawawala na sa kamay mo, at agad mo nang malilimutan. Ang halaga ng isang bagay ay yung isang alaalang hindi magwawakas, kahit na wala na ito sa yong kamay. Wag lang yong kamay mo ang mawala… masakit yun eh.

darkmau

MALAYA!


Sep 10 2008

Greener Pasture 101

Tag: Asadodarkmau @ 6:06 pm

Sa grade one madalas nagsisimula na itanong sa atin kung ano ang gusto nating  maging paglaki. Madalas na mga sagot ay abogado, engineer, doktor, at nurse. Sa iba  popular answer din ang pulis, military, artista, at siempre PRESIDENTE.  Malamang ngayon ay may dagdag na tattoo artist, rockstar o di kaya Gambling Lord.

Noon, palagi kasali sa lecture ng good moral and right conduct na importante na may matapos ang isang tao. Importante ang diploma upan maabot ang mga pangarap.  Hindi bat sa wowowee palagi sinasabi ng mga contestants na sana makatapos sila ng pag aaral or mapatapos nila ang kanilang mga anak sa pag aaral upang maabot ang kanilang pangarap. Tapos pag hindi maganda ang pag deliver ng lines ng tao at hindi sya masyado kwela walang dagdag na perang ibibigay si Willie. Yun ang entertainment.

Balik tayo sa topic, ang edukasyon daw ay kayamanan na kailanman hindi mananakaw sa atin. Totoo, ngayon naniniwala na ako na ang edukasyon ay kayamanan, lumingon tayo sa mga university belts, at maging sa mga colleges at primary schools, naghihirap ba sila? Taon taon na lang tuition fee increase diba? aminin!

Pero kidding aside, habang dumadami ang mga bata na nagaaral, at dumadami ang mga call centers, eh hindi pa rin tayo umaangat? At padami na ng padami ang mga professional na nagiging nurse, at padami ng padami ang kumakanta ng “GUSTO NAMING MAG ABROAD!”. Wala na yatang, gusto maging dakila at sabihin na “mahal ko ang PILIPINAS at ito ay iaahon ko”. Wala pa akong naririnig na nagsabi non, marahil ay hindi pa niya nafefeel ang need na sabihin yun, kaya hindi pa sya nagpaparamdam, o marahil nawithdraw siya ng tatay niya kaya hindi pa siya nagagawa.

Ano nga ba ang meron sa abroad? Madami pare! May vendo machine ng condom sa abroad! Yippee… joke lang. Magandang buhay ang nagaabang “daw” sa abroad. Marahil sa abroad tumutubo yung GREENER PASTURE. Paano ba naman kasi sa atin may mga green pasture nga pero nilaland grab naman ng mga  POLITIKO at mayayaman(hindi ko nilalahat, pero karamihan sa kanila kabilang dito).

Maraming oppurtunities sa abroad, maraming panganib, maraming adventures, kumbaga the possibilities are endless! Pero sa pagpatos sa tawag ng labas, ay sukli naman ang mahigit na sakripisyo. maraming pamilya ang nasira dahil sa oppurtunities nato, maraming tao ang nagbago sa pangrap nato, at ang iba ay naging transvestite na.(oo promise walang halong biro)

Iisa lang daw ang nagtulak sa lahat magabroad. dahil daw wala nang pag asa ang pilipinas. malamang tama sila, paano ba naman kasi, lahat ng tao sa atin hindi naiintindihan ang salitang hustisya. Basta makakalamang, gagawin natin.  Hindi bat sa mall o kahit sa anong lugar palaging may VIP, basta dumating si congressman  o mayor sila ang inuuna natin? baka nalilimutan natin na ang mga pinakamalalaking TAX EVADER eh etong mga TYCOON at mayayaman na politiko. Hindi ba tayo nakapag isip na maraming negosyo kapag nakaupo ka sa pwesto? Kaya patuloy na dumadami ang gustong mag artista, upang maging politiko.

Minsan tinanong ako ng dentista ko kung ano ba daw ang puedeng maging solusyon sa problema ng Pilipinas? Sumagot ang tatay kong excited “REVOLUTION!” umiling ako at inalis ang bulak sa aking bibig, sabi ko “justice”.  Kapag natuto tayong ibigay ang tama sa lahat ng tao, pasasaan ba at magkakaroon din tayo ng pagbabago. Pero siempre hindi naman adik ang mga tao at biglang maging posessed angel at ipamigay ang kanilang lupa at magbayad ng tamang tax. at lalong hindi adik ang mga taong nasa gobyerno para aminin ang kanilang kasalanan at gawin ang tama, malamang wala nang matira sa gobyerno dahil lahat namatay sa kahihiyan.

Mahaba na ang nasusulat ko, pero malamang di mo pa rin nababasa ang punto ko. kelan ka ba huli gumawa ng tama para sa kapwa mo Pilipino? Ipasa mo sa iba, baka sakali may magbago sa ating mga pananaw. Wala sa US, Middle East at Europe ang greener pasture, nasa Pilipinas ang problema, doon tayo magsimula. HIndi ko sinasabing masama ang mag abroad, ang sinasabi ko lang, kahit sana nasa malayo tayo, iahon pa rin natin ang ating pagiging Pilipino.

darkmau

MALAYA!

 


Sep 02 2008

Ber Months

Tag: Bola-Boladarkmau @ 9:15 am

Mahaba nga ang Pasko sa Pinas, na kahit September pa lang, Jose Mari Chan na ang tinugtog sa radyo lalo na tuwing madaling araw. Langhap na daw ang malamig na simoy ng hangin, pero hindi ko naman yun naramdaman, ang naamoy ko eh yung ebak ng aso kong nakakain yata ng bangkok pill.

Madalas ko ipagyabang sa mga kilala kong Dayuhan na ang Pinoy ang pinakamasaya mag celebrate ng pasko, sabi nila siempre…”Why?” Sabi ko naman, “You know in my country when the months turn into ber months, we celebrate it like christmas, our ordinary lunch turns to an everyday Christmas Lunch, but we dont have turkey, instead we have fried fish and sliced tomatoes(pronounced as TO-MA-TO-s). And of course its served with a heaping hot rice.”  Tapos magtatanong sya ano daw ang ordinary lunch, ” The ordinary lunch is basically the same, but without the tune of Oh hark the angel sings, and no lanterns hanging on the cieling, and dont have plastic ornamental fruits on the center table.”

Hindi ko alam bat gumulong sya sa kakatawa, naisip ko tuloy magaling ako mag english.

Panalo ang din ang Pilipino sa gift giving practices, aside sa mga jueteng payola at bribery sa mga politicians, galante din tayo sa mga exchange gifts, lagi nating iisipin yung puedeng sabihin sa atin ng ating bibigyan ng gift. Lalo na yung sa manito at manita, yung tipong kakanta pa ng…. “i love my manito yes i do, i love my manita…” Tapos magbibigayan na ng regalo, tas hindi mo gusto yung matatangap mo galing sa iyong manita… sa loob ng utak mo, PUNYETANG MANITA KA!!!! ang mahal pa naman ng binigay ko sa aking manito. Pero siempre the spirit of giving prevails, idadaan na lang natin sa mga lasingan moments.

Sandwiched palagi ang emotions pag dating ber months, dadaan ang commemoration ng Martial Law, ang OKtoberfest, at Ang Araw ng mga patay. Para syang emotional torture, malungkot, lasing, malungkot ulit, tapos Christmas ulit. Ayos talaga ang adaptability nating mga pinoy, mabilis ang recovery natin sa mga emotional issues.

Nagkita pala kami ulit nung dayuhan kong kaibigan na palaging interesado sa Filipino Culture, frustrated asian siguro sya. Sabi ko sa kanya na hindi lang pala ber ang pasko sa atin, minsan inaabot din ng RY months. Sabi nya anong RY months? Sabi ko January and February. Hanggat may masipag mag hunting na inaanak, patuloy pa din ang pasko, at pag di ka naabutan hanggang Chinese New Year, sa Easter Sunday na lang ulit ang final attack mode, magmimistulang Easter egg ang mga ninong at ninang na nakalimot sa inaanak.

Uso din ang negosyo, at kung ano anong raket pag pasko, kahit na ilang beses pa sabihin na mahal na anag lahat, tuloy na tuloy pa rin ang pasko. Walang makakapigil nito para sa ating mga Pilipino. Pinakamahalaga sa atin na magkaroon ng isang UNITED FAMILY kahit lang man minsan sa isang taon. At ang pasko ang nagiging Glue upang magsamasama tayo. Bitin ba ang ending? mukha nga…

darkmau

Malaya!


Aug 20 2008

Business kuno’

Tag: Asadodarkmau @ 1:03 pm

Inalok ako ng isang kaibigan na maging consultant daw nya pag nagkaroon na sya ng business. Sumakit bigla ang tyan ko nung narinig ko to. Napaisip ako, consultant? Ano yun? Katulad ba yun nung gamot na pang alis ng sakit ng ulo? Isa ba yung madaliang solusyon sa gutom… INstant? Hindi ako sigurado kung ano yun, pero isa lang ang alam ko, hindi ko kabisado ang ganong trabaho.

Wala akong alam sa negosyo, pero sa mura kong edad natuto akong magbenta ng cookies at “love notes”. Ang alam ko kasi sa negosyo, pag may kailangan, may puede kang pagkakitaan. Grade three ako nung nagsimula ako magbenta ng butter cookies na ako ang may gawa, patok ito sa mga kaklase ko lalo na kung valentines at teacher’s day. By season lang ako kung rumaket, tamad kasi ako sumabak sa malaking demand. At nababanas din ang tatay ko sa tuwing palpak ang cookies ko(dahil sya ang umuulit at tumatapos nito, at madalas ito mangyari).

Marunong din ako magpautang sa kaklase ko, pag kumuha sila ngayon, puede nilang bayaran sa susunod na linggo, pero pag crush ko minsan ginagawa kong libre. Pero dahil grade three pa ako non, di pa uso ang crush crush. Ayos sana ang ganong negosyo, pero kahit pala bata alam mo na kung sino ang may potential hoodlum at politician. May mga kaklase akong ayaw magbayad, at may kaklase din akong magaling mangako, hanggang ngayon hindi pa rin ako nabayaran. Kung nasaan man kayo, Sana maalala niyo ang butter cookies ko!

At dahil sa major losses ko nung elementary kinailangan ko magisip ng bagong negosyo nung tumuntong ako ng Highschool. Iba ang environment sa highschool, kung sa elementary potential hoodlum lang at politician ang naroon, sa highschool FULL GROWN na sila (pero noon yun ha nung highschool pa kami, baka kasi balikan ako eh). At dahil hindi nga nagclick ang butter cookies nung elementary, kailangan ko magshift ng business model. Naging in ang NBA cards, pinasok ko din ito na trade, pero dahil mejo nagkagulangan, natigil agad ang NBA mania ko.

Pero sabi nga ni Bamboo, Pinoy ako, pinoy tayo.. ay Orange and Lemons pala yun, basta, hindi tayo madaling sumuko, naturally genius tayo eh.  So sumubok din ako ng iba pang negosyo. pero ibang negosyo ang napasukan ko, Love letter ang napuntahan ng aking mga kalokohan. So kung kanetwork kita nung highschool ako, at niligawan ka ng isa sa mga nakabarkada ko, at nakatanggap ka ng loveletter malamang ako ang nagsulat non. Pag may linya don na  “Youre my relief and youre the one who makes me cry” pihado ako sumulat non, hiniram ko yun sa kanta ng Popscicle na Not Forever.  At pag may nabasa ka pang, “I hope my effort lands with your efflaine” tyak din ako yung sumulat non, casual joke namin ng isa kong kasamang nagsusulat ng loveletter.

Pero hindi pera ang hinihingi kong bayad non, nadala na ako sa mga hoodlum at politician, kaya food trip or kaya librong archie ang mga napupulot ko. At kung paano ako nagsimula sa ganitong negosyo, ay kasalanan ng aking kaklaseng hindi matigil ang bibig sa pagbasa ng mga doodles ko sa aking notebook. Pinatulan naman ng mga kaklase  kong inlove(kuno).

Nag negosyo din ako ng fighting fish pero wala akong nabenta dahil natuwa akong ilagay sila sa isang malaking palanggana at magkaroon ng royal rumble match. Pero wala pang isang minuto nahuli ako ng tatay ko at natigil agad ang pinaplano kong Battle Royale.

Pero nung college iba naman ang naging trip ko, negosyo pero angkop sa aking environment. Frustrated politician din ako kaya marami akong naging kakilala at kaibigan nung college, so nagkaroon ako ng network para makapag negosyo(ulit). Adik ang ate ko sa mga bagay na binebenta, walking divisoria kumbaga, pati yata spare parts ng kotse meron syang stock. Kulang na lang motorsiklo at payong, puede na syang maging Bumbay. At dahil madami syang business kailangan niya mas maraming network. At ako ay naging agent para sa kanyang produkto.

Cologne! Cologne kayo dyan! woohoo naging instant merchandiser ako ng pabango, at dahil may tatlong kahon ako na dapat idispose kailangan ko din maging supplier. Siempre kailangan ko ang tulong ng aking mga kaibigan, ibinababa ko ang presyo ko para may chance ang aking mga agents na magpatong sa produkto. Mas masipag ako mag room to room para maglako ng cologne, kaysa pumasok sa aking klase at makinig sa boring lectures.  Pero nalugi pa rin ako in the long run, nalugi ako kasi mahirap maningil sa mga taong mahirap magbayad.

At madami pa akong pinasukang business na hindi naman nagclick. Kadalasan ako lang kumakain ng mga bagay na binebenta ko, kadalasan pang regalo ko na lang. Nakapagbenta na rin ako ng pulvoron, brownies, cake, fruitcake, at siempre SIOpao(oo walang halong biro). Pero ano nga ba ang natutunan ko sa pagnenegosyo? Ang negosyo ay isang tanim na dapat pinagtyatagaan at inaalagaan, kailangan sapat ang bawat bagay, at kailangan napapanahon ang bawat hakbang. Hindi puwedeng mauna o mahuli sa pagkilos.

At kung hindi ka makabenta ng maayos, kailangan mo ng gimik, at kapag hindi ka makasingil… hayyy malas mo apir tayo! At kapag marami ka pang stock lalo na kung pagkain, dahan dahan mo na lang kainin. Pero dahil nga Pinoy tayo, hinding hindi tayo susuko, weder weder lang yang negosyo.

darkmau

MALAYA!


Aug 18 2008

Pride Chicken (para sa matapang)

Tag: Specialdarkmau @ 10:25 pm

Masyadong malawak ang meaning ng salitang PRIDE. Dati nung bata ako ang alam kong pride sabon lang sa washing machine, yun pala hindi lang yun ang meaning nun. Ang pride daw ay ang karangalan ng tao, according sa definition ni erms. Pasensya na hindi ko makita si merriam-webster. 

Maganda ang pagkakasabi ni ermats tungkol sa kung ano ang translation ng Pride… karangalan, masyadong malalim ito sa wikang filipino, para bang bumabalik tayo sa panahon ni Crisostomo Ibarra. Ganun kalalim ang tunog ng salitang karangalan. Pero bakit nga ba masyadong whapak ang pride sa bawat tao sa mundo, both man and woman…bawal daw maging sexist, kaya pati bakla at tomboy din, at ang mga transvestite din pala. Lahat daw may pride, pero ano nga ba ang pride?

Ang pride ay ang self respect, self esteem, the state of being proud. Whapak ulit, masyadong nose bleeding, ang pride pala is  more than a word, it is a definitive guide to being a person. Kaya siguro most of the time maraming nababaliw pag nawala daw ang kanilang pride. Pero nawawala nga ba ang pride? Paano ba nawawala ang isang bagay na hindi nahahawakan. Katulad ba ito ng virginity na nababasagan ng hymen.ay ay ay.. sorry  hindi pala to kasali sa isusulat ko. Hindi ko po alam ang ibig sabihin ng hymen.

Boy: Teacher teacher, what is a hymen?

Teacher: Boy, hymen is fold of muccuos membrane that partially covers the vagina.

Boy: Teacher what happens if the hymen is broken?

Teacher: It means that the vagina is no longer virgin because penetration occured.

Boy: So who breaks the hymen teacher?

Teacher: WHO ELSE but the HIGH MEN as well!

(as if you read nothing)

Ang hirap sukatin ng mga bagay na hindi nakikita. Ang hirap pangalagaan ng isang bagay na may malalim na kahulugan pero madali lang mawala. Naalala mo pa ba nung bata ka pa, siguro mga highschool or elementary, yung pag usbong ng mga puppy loves?  Yung mga crushes at ang pagiging infatuated over the opposite sex? or the developing stage of being attracted romantically(or so we think na romantic). And then it turns out na hindi pla tayo crush nung mga gusto natin?

Sa murang edad we say na nahurt ang ating pride. Pride in the sense na wala tayong maiharap na mukha sa taong gusto natin. Parang sa tuwing dadaanan natin sila or makakasalubong natin magiging invisible ang face natin. We tend to act weird pag totoo, and we tend to be guilty about the thing na nakakapagpahiya sa ating sarili. Pero siyempre stage lang ito ng pagtanda. 

When we get older we experience the real thing about pride. Mahirap kainin ang pride, pero mas mahirap mawalan ng pride.  Pagtanda natin, lalo sa mga lalakeng hindi gwapo or mala adonis ang dating na tulad ko, mahirap magkagusto sa babae, dahil nauunahan ng takot at pagkatorpe. Bakit? dahil takot kaming mabasted. Hindi madali makacope up sa pagiging basted, dadalhin namin yun hanggang tatlong linggo, minsan mas matagal pag mas masakit ang pagkakabasted.

Hindi madali sabihin sa tao na binasted sila, parang life sentence yun, parang meron ka nang pulang tuldok sa noo mo na parang siopao asado na nagsasabing ikaw ay isang kahihiyan sa mundo ng mga mortal! Pero hindi lang sa lalake to nangyayari, pati din pala  ang babae nababasted. Sa makabagong mundo both men and women are empowered to do what they want, both have the right to fall in love and pursue the love of their life. Pero siempre it is a game of chances, sabi ng nanay ni Phil Collins, You cant hurry love!

Ngunit hindi lang sa feelings at sa romantic moments naiissue ang pride. Sa kahit anong panahon sa bawat araw, sa bawat ginagawa natin damay ang pride. Dahil pala ang pride ay isang trademark ng pagiging mahusay na tao.  Maraming mahusay na tao sa mundo, pero masakit mang aminin mas marami ang gago, kasi… yun ang totoo.

Pero bakit mahirap lunukin ang pride? Mahirap lunukin ang pride dahil ito ay powdered soap, pag ginawa mo itong pulvoron hindi mo rin ito magugustuhan. Seriously, mahirap lunukin ang pride dahil mahirap lunukin ang isang bagay na  tayo din ang masasaktan. Ang mundo daw ay pantay,dapat daw lahat ay bigyan ng respeto, pero dahil hindi lahat may pantay na pag unawa, iba iba rin ang pagtanggap nila sa bawat mga bagay. Life is just a matter of opinions.

Mahirap  mawalan ng pride, mahirap ito lunukin, at mas mahirap ito pangalagaan. Parang national treasure ng Pilipinas, isang treasure na hindi tangible, pero palagi nating pinagmamalaki. At kung ang hirit mo bakit ang ating national treasure eh hindi na mahawakan at makita? Simple lang, nakamkam na ng mga mananakop at mga tambay na dayuhan ang ating mga bagay. At ang mas masakit nito pati yung mga nakaupo sa gobyerno eh, may kinalaman din sa pagkawala ng tangible na yaman. At self explanatory na yung detalye.

Pero sa punto ng national pride… masyadong seryosong issue yan. Para sa mga Global Pinoy, na nasa ibat ibang parte ng mundo, katungkulan nilang na iangat ang sinasabing national pride. Mahirap ipakilala ang Pilipinas sa mga bansang  hindi galing sa asya. Kaya madalas inaangat ng Pinoy ang kanilang sarili sa pag papakita na hinding tataob ang pinoy. kahit sa inuman pa yan. Iba ang pinoy eh, astig.  Ang masakit lang nga minsan, dahil sa sobrang protection sa National Pride… tumataob sila dahil sa mga national issues ng ating bansa. Apektado ang global pinoy sa national issues, lahat ng pangit na nangyayari sa bansa natin magrereflect agad sa isang pinoy na naka base abroad.

Pag maganda ang balita, walang dayuhang may alam. Pero pag may crisis tukneneng! madumi agad tayo sa paningin ng mapaghusgang mundo. Kaya tuloy maraming Pinoy ang nagkukubli sa mga katauhan ng pagiging Intsik, hapon, korean or nagiging naturalized citizen ng ibang bansa. Hindi lang ekonomiya ang dahilan ng pagpapalit ng nationality, nandyan din ang issue ng pagkakaron ng hopelessness sa Pinas. Alam naman natin ang mga bagay na to, MALALIM LANG ANG PRIDE NATIN PARA LUNUKIN ANG MGA GANITONG ISSUE.

So ang sagot sa tanong, bakit mahirap lunukin ang pride? Dahil masakit sa tunawin ang bagay na totoo. Lahat ng tao may pride, pero hindi lahat ng tao parepareho ang pag manage ng kanilang pride.

darkmau

MALAYA!

 


Next Page »